Photography | Cars | Me

A glimpse of me, in pixels

08 2008

2Million a day, Kaya mong isuko?

http://www.philstar.com/archives.php?aid=2008072790&type=2

P2 milyon isang araw isinuko sa Diyos
AKSYON NGAYON Ni Al G. Pedroche
Monday, July 28, 2008

KUNG ang negosyo mo o trabaho na nagbibigay ng kitang limpak-limpak na milyones ay immoral at nagbalik-loob ka sa Panginoong Diyos, handa mo kaya itong isuko?

Marahil, kakaunti ang nakakakilala kay Wyden King at kanyang pamilya pero walang hindi nakakaalam sa Anito Lodge motels na matatagpuan sa halos lahat ng sulok ng Metro Manila na dating pag-aari ng pamilyang ito.  Dumadagundong na P2milyon ang kita ng mga motel na ito sa isang araw. Nagsilbi itong pugad ng kasa­lanan. Diyan nagtatagpo ang mga nangangalunya o taksil sa kanilang mga asawa.

Nagsilbi rin marahil ang mga silid ng motel na ito na parausan ng mga pot sessions ng mga lulong sa bawal na gamot.  Tatlumpung taon ding naging tanging pinag­mumulan ng kita ng pamilya King ang mga motel na ito.

Ngunit dumarating ang pagkakataong binabago ng Diyos ang isang tao at kabilang ang pamilya King ang nakaranas ng ganyang pagbabago.  Taong 1992 pa nang  maging born-again Christian si King at dahil sa mga empleyadong mawawalan ng trabaho, inunti-unti niya    ang pagsasara sa kanyang mga motel. Una’y binago niya ang format ng mga ito upang maging panuluyan ng mga mag-anak. Ngunit hindi madaling gawin ito. Paano mapi­pigilan ang mga taong gustong magparaos lang ng pita ng kamunduhan o kaya ay yung mga balak gumawa ng illegal na transaksyon?

Isa-isang isinara ng pamilya King ang mga motel hanggang noong isang linggo, isinara ang kanilang branch sa Bagong Barrio, Caloocan City.

Hindi madaling talikuran ang P2 milyong kita araw-araw ngunit kung tapat ang pagbabalik-loob ng tao sa Pangi-n­oong Diyos, kahit buong yaman pa ng mundo ay handa niyang talikuran. At kung may isinasarang pin­tuan  ang Diyos, may mga bagong pintuan si­yang bubuksan para sa kanyang mga anak na tapat na nag­lilingkod sa Kanya.

Sana, sana lang, yung mga mandarambong sa pamahalaan ay maantig ang puso sa ginawang ito ng pamilya King.

Hipuin sana ng Banal na Espiritu ang puso ng mga ito upang makaki­lala rin at tumanggap sa Pangi­noong Diyos.

Nilagay ko ang artikolong ito dito sa paniniwalang mababasa ito ng mga buwayang walang ginawa kundi pigain ang bawat Pilipino para sa kanilang sariling kapakanan. Mga tao na walang ibang layunin kundi magpayaman at wala sa isip ang kapakanan ng ibang tao. Hindi ko tinuturing na bayani si Wyden King dahil sa ginawa niya dahil alam natin na marami pa siyang ibang negosyo. Ang nakakabilib lang dito ay dahil ISINARA (hindi binenta) niya ang Anito sa kadahilanang ito ay ugat ng kasalanan. Para sa mga normal na pinoy at regular na parokyano niya eh isang kabaliwan ang ginawa niya pero kung titignan natin ang rason sa likod niyo ay maaring maganda nga ang hangarin niya. Magandang balita ito para sa ibang Motel owners dahil tsak na dadame ang parokyano nila dahil liliit na ang kumpetensya.


Leave a Reply

« 14 Common Financial Problems! Lost in Time »